235 Balik Scientist, target ng DoST sa 2022
Ang Balik Scientists ay mga eksperto sa agham at teknolohiya na kasalukuyang naninirahan sa ibang bansa na tinawagan upang umuwi sa Pilipinas upang magtrabaho at gamitin ang pagkadalubhasa sa bansa.
Simula nang itatag ang programang Balik Scientist noong 1975 hanggang nitong Disyembre 2017, 567 na siyentista na ang nakauwi sa Pilipinas.
Target ng DoST na magkaroon ng 41 Balik Scientist ngayong 2018, at itaas pa ito ng tatlong beses kada taon hanggang 2022.
“We project around 60 (Balik Scientists) per year after the BSP (Balik Scientists Program) becomes a law. So even if we just got 35 for this year, and if we’ll have 50 per year for the next four years, that would still total to 235 by 2022,” ani Dela Peña.
Una nang ipinahayag ni Dela Peña ang kanyang kagustuhan na mahikayat ang mas maraming siyentistang Pilipino na bumalik ng bansa, dahil sa paniniwalang malaki ang maitutulong ng mga ito sa pagbibigay ng translational research.
Aminado ang Kalihim na hindi madali na mahikayat ang mga siyentistang naninirahan sa ibang bansa na mapauwi, lalo na doon sa mga kumikita nang maayos sa ibang bansa.
Upang masolusyonan ang problemang ito at ang iba pang suliranin na humahadlang upang mapauwi ang mga siyentista, naglaan ang DoST ng ilang insentibo sa mga Balik Scientist.
Ang gobyerno ng Pilipinas, sa pamamagitan ng DoST, ay nagtatag ng Balik Scientist Program noong 1975, upang masulosyunan ang kakulangan ng mga mananaliksik at para makatulong sa pagpapaunlad ng mga agham na programa sa bansa.
Ang mga siyentista na tutulong sa programa ay maaaring manatili ng 30-90 araw na makatatanggap ng short-term incentives at tatlo hanggang apat na taon para naman sa long-term incentives.
Sa ilalim ng programang short-term incentives, sasagutin ng DoST ang roundtrip airfare ng Balik Scientist, at magbibigay rin ang ahensiya ng daily allowance na 150 dolyar.
Sakop naman ng long-term incentives, ang one-way airfare ng siyentista, asawa nito at dalawang minor dependants.
Ibibigay rin ang pamasahe pabalik sa pagtatapos ng kontrata. Maaari ring makatanggap ng pondo para sa pananaliksik (upon request) at honorarium mula sa institusyon, na maaaring lokal o pribado na nangangailangan ng tulong teknikal.
Nabanggit din ni Dela Peña na ang pagsasainstitusyon ng programang Balik Scientist ay malaking tulong upang mas marami pa ang mahikayat.
Aniya, sa pamamagitan nito, mas magiging madali para sa mga siyentista ang pagproseso ng mga kailangang dokumento, lalo’t pinahihintulutan ito ng batas na mas mabilis maiproseso ang visa at immigration requirements. Malaking tulong ito sa mga nakatanggap na ng foreign citizenship.
Samantala, target ng DoST ang mga siyentista na dalubhasa sa forestry Research and Development (R&D), crops R&D, climate change adaptation and disaster risk reduction, aquatic R&D, natural resources and environment R&D, livestock R&D, socio-economic and policy research, at technology transfer.